Wednesday, February 25, 2009

Make Out sa Van

Naku... maikwento ko lang 'tong na-witness ko ah...

Sumakay ako sa Terminal papuntang South of Manila. Mga bandang alas-11 na ng gabi kaya ang mga vans, di na sila nagpupuno ng sasakyan. Andun ako naupo sa ikatlong linya ng van, e kaso pangit ang sandalan, lumipat na ko sa pinakalikod.

May dalawang babae na nasa likod. Mejo tinignan pa ko ng masama nung isang babae kasi lumipat nga ko sa tabi nila. Isiniksik ko na lang ang sarili ko sa may window para di sya maiinis lalo sa 'kin.

Hanggang sa, "tsup... tsup... tsup...". E kaya naman pala inirapan ako nung isa, e kasi may milagro silang pinaplano sa likod! Nakupo, napaka-uncomfortable ng pakiramdam. Nag-earphones na nga ko e para di ko marinig, kaso likot naman ng likot kaya nadadali nila ako. Siyet! Ganun pala ang nagme-make out na mga babae.

Minsan-minsan, napapatingin ako sa kanila kasi nga nakaka-distract. Tapos, matatawa ako na naka-witness ako ng ganun. Hehehe!

Haaaayy.. nakakaloka! Pero, napaisip din ako: itutuloy kaya nila 'yun sa kanilang bahay?

Hehehe

Si Manang - Namatayan na, Masaya Pa

Sa FX, may nakatabi akong dalawang ale. Hindi ko alam kung ang feeling nila e sila lang ang nakakarinig sa kanilang usapan. Naku, e talagang malakas naman ang boses nila. Heto ang kanilang conversation:

Manang 1: Nung namatayan nga ko ng asawa, parang pakiramdam ko e hindi ako namatayan.

Manang 2: E bakit naman?

Manang 1: Aba! E mabuti na nga at namatay na ang p_ t _ _ _ i _ _ _ _ asawa ko e. Wala na ngang trabaho, lahat na lang ng bisyo e nasa kanya pa.

Manang 2: Ako nga, ang sabi nung mga kaibigan ko, parang nabunutan pa ko ng tinik nung mamatay na ang asawa ko. Parang nabawasan ng problema.

Manang 1: Naku, totoo 'yan. Dati nga di ko nabibilhan ng kung ano-ano ang sarili ko (sabay hikbi pa ni Manang 1). Ngayon, nakakabili na ko sa sarili ko pati na rin sa mga anak ko.


Naku po... Ganito pala ang sentimyento ng ibang mga tao sa kanilang mga asawa. Mga pasang-krus! Susmaryosep! Matagal pa ang Holy Week 'no...

Pero, sa totoo lang, parang nakaka-awa naman ang buhay nila 'no? Wala na ngang makain, nagsusugal pa ang asawa. Sabi ni Manang 1, naging labandera na nga daw sya nung kapatid ng asawa nya para lang may maibuhay sa mga anak at sa asawa.

Hay buhay! Nakaka-depress naman... Marami ba talagang ganyan dito?

Pers Taym

Magandang araw sa inyong lahat! :)

Eto ang unang-una kong sabak sa ganitong uri ng pagsusulat. Marami ang nagsasabi sa kin na masaya raw mag-blog. Kaya ako, nakikisubok na rin. Siguro ang isang bagay na maninibago ako e ang magsulat sa Tagalog. Parang mas madali ang magsulat sa ingles eh. Kaya mga kaibigan, mga mambabasa, gagawin ko na lng 'to sa Filipino -- para pati mga kaibigan natin sa buong Luzon, Visayas, at Mindanao e makaka-relate. Taglish rin siguro kung minsan.

Kaya, heto na:

Ano bang meron dito sa blog na'to?

Minsan, may mababasa kayong mga kwentong manggagaling sa experience ko sa pagsakay-sakay sa jeep, tricycle, bus, at kung ano-ano pa... Magsusulat rin ako ng tungkol sa mga naririnig kong kwentuhan sa mga sasakyang ito... Mga naririnig sa radyo, nakikita sa daan...

In other words, mga kwentong hango sa totoong buhay...

Mga kwentong mula sa kalsada.

Okay ba mga kapamilya, kapuso, ka-berks?

Feel free na mag-react o sumulat sa 'kin ah. Kung meron kayong mga tanong, email mo lang ako. Kung may mga violent reactions, hhhmmm.... Sige na nga, sulat ka pa rin :)